Binigyan nya ko ng tutor pagkatapos ko magkinder noon kasi autistic ako. Gumraduate ako ng kinder na hindi nagsasalita sa paaralan. Basta ang alam ko may baon akong pera, uupo sa klase, tapos uuwi. Nagka-award pa ako, "most quiet in the class". akalain mo yon?!
Ang tutor na binigay nya, isang matandang dalaga, amoy lupa na may makapal na puting pulbos at mapulang lipstick. May makapal na grado ng salamin at may dalang mahabang stick. Takang taka sya kasi pag-grade 1 ko, marunong na ko magbasa, magsulat, at ng multiplication, pati division. Hindi nya alam, kinukulong ako sa kwarto tapos kukurutin at papaluin ng stick pag hindi ko naiintindihan ang lesson.
Nung mga unang taon ko bilang bata, yaya ang lagi kong kasama sa bahay, sa girl scout, sa quiz contests, sa mga performances.
Pumupunta lang sya sa school pag recognition day. Bibilhan nya ko ng damit na susuotin the day before the event. Tapos memakeup-an ako ng makapal, bilang nagtitinda sya ng makeup. Madalas late kami sa event. At hiyang hiya ako lagi na maglalakad sa venue.
Nuknukan ako ng mahiyain. Minsan, tyempong narining ko ang mahinang kwentuhan nila ng kasama nya na madami kaming utang, may kaso, wala kaming pera. Ang pagiging mahiyain ay napalitan ng kahihiyan. Pagtitindahin nya ko ng yelo sa palengke tuwing hapon, tapos pagbebentahin ng basahang tinahi nya para may ipamalengke akong pambili ng tatlong lata ng sardinas, ng pechay. Minsan ng itlog para gawing adobo o kaya 3 noodles na hahaluan ng itlog pa rin o di kaya ay 1/4 na kilong galunggong para prituhin. Dyan lang umiikot ang tanghalian at hapunan namin. Mayaman sa protein at sodium. Hehe.
Sa buong buhay ko, dalawang beses nya kong binilhan ng manika, isang kahawig ni barbie pero mas manipis ang buhok at nadedeform pag pinisil ng madiin at isang pinahabang voodoo doll ang itsura.
Sa maraming beses akong sinaktan, pinalo at binato ng kung anu-ano, minsan nya, madalas ng kasama nya, lalo lang kong tumapang at hindi nasasaktan.
Natuto akong dumiskarte at umasa sa sarili ko kasi hindi ko sya naasahan nung naghanap ako ng masasandalan.
Andaming mali sa buhay ko. Napakaraming kakulangan. Lahat sinisisi ko sa kanya. Kasi nag-asawa sya ng maling lalaki. Kasi iniluwal nya kami ng hindi sila handa. Kasi nag-anak pa sya ng madami. Kasi hindi sya naging mapag-aruga. Kasi hindi nya kami pinagtatanggol pag sinasaktan kami. Kasi mahina sya.
Ngayon matanda na sya. Mas mahina pa kaysa dati. Pero gumigising ng madaling araw para ipagluto ako ng almusal at baon sa trabaho. Nilalabhan ang damit ko pag nakita nyang hindi ko na ito nagawa. Maingat na hinahandwash ang mga damit ko na may maninipis na tela. Pinapamlantsa ako kahit sinabi kong huwag na. Pinagbubuksan ako ng pinto kahit madaling araw na ko umuwi. Tinatanong ako kung anong gusto kong ulam.
Hindi sya nakapagtapos kasi kinailangan na nyang magtrabaho sa murang edad. Hindi nya ko pinagtapos kasi nabuhay ako sa scholarship. Pero ang totoo, mas madami akong natutunan sa kanya, sa buhay nya.
Madami syang naging mali, pero marunong syang bumawi.
Wala Nang Hahanapin Pa
Apo Hiking Society
Mayroon siyang estilong kanya lamang
Ang kanyang pagkababae ang dinadahilan
Pagsubok sa pag-ibig walang katapusan
'Di naman daw nagdududa, naniniguro lang.
Ewan ko ba ngunit kahit ganyan siya,
Minamahal ko siya, wala nang hahanapin pa.
Kahit ano'ng sabihin ng iba, minamahal ko siya,
Wala nang hahanapin pa.
'Di raw nagseselos ngunit nagbibilang
ng oras 'pag ako'y ginagabi
At biglang maamo 'pag may kailangan
'Pag nakuha na ikaw ay itatabi.
Ewan ko ba ngunit kahit ganyan siya,
Minamahal ko siya, wala nang hahanapin pa.
Kahit ano'ng sabihin ng iba, minamahal ko siya,
Wala nang hahanapin pa.
'Di magpapatalo 'pag mayroong alitan.
'Di aamin ng mali, magbabagong isip lang.
Ewan ko ba ngunit kahit ganyan siya,
Sinasamba ko siya,
Minamahal ko pa,
Walang kaduda-duda,
Wala nang hahanapin pa.