2.21.2006
pebrero at pag-ibig
ang pebrero ay tunay na panahon ng pag-ibig.
dalawang beses tumibok ang puso ko sa buwang ito.
ang una ay ang payapang pintig na parang mahinahong alon sa dapitahpon.
yan ang pag-ibig ko sa aking iniirog na kasintahan.
hindi kami lumabas nung araw ng mga puso,
kasi nagdiwang kami nito ng mas maaga :D iwas sa trapiko.
masaya kami. hindi kami nag-aaway, minsanang tampuhan lamang
na masakit din kahit paano, pero mabilis namang naaayos :)
matampuhin kasi ako at sya'y alaskador na numero uno.
sabay kaming nagtatanghalian at umuuwi.
hindi ako sumasakay ng fx, pero dahil kasama ko naman sya,
panatag ang loob ko.
noon, ang tingin ko sa pag-ibig ay nakakapraning.
sa aking opinyon, kung hindi nakakabaliw ang emosyong nadarama,
hindi ito tunay na pag-ibig.
paniwala ko dati, ang pag-ibig ay masidhi, malalim at mainit.
ito ay puno ng umaatikabong pagniniig, maiinit na sagutan/diskusyon,
minsan pa nga ng marahas na pag-aaway, ng nagbabahang luha at pagsasakripisyo.
siguro dahil ay melodramatiko lang ako,
kaya ganun ang larawan ng pag-ibig sa akin.
ang una kong babaeng minahal ay naging ganon ang aking karanasan.
umabot na kami sa kawalan ng katwiran at hindi maayos na kalusugan.
sa araw-araw na iyakan, sumbatan at sigawan.
sabi nila, kung kanino ka daw pinaka-nasaktan,
yun daw ang pinakaminahal mo.
bakit natin lagi kinakabit ang sakit sa pagmamahal?
na para bang pag hindi ka nasasaktan o umiiyak sa karelasyon
ay hindi na ito pag-ibig?
ah, isa itong mahabang usapin at debate na nangangailangan
ng maraming serbesa o kape.
ang ikalawang tibok ng aking puso ay kamakailan lamang.
nang muli akong nagkaroon ng panahon na manood ng mga tinatawag na pelikulang "indie".
ito ay ang mga likha ng estudyante ni ricky lee sa kanyang klaseng scriptwriting.
kolehiyo pa lamang ako ay manghang-mangha na ako sa
pelikula, pagsulat at paglikha.
aktibo ako sa mga grupong ganoon ang sinusulong.
pero dahil na rin sa ibang uri ng trabahong napasok ko (IT)
at pagiging abala sa mga deadlines, meetings at kung anu-anong asikasuhin,
naisantabi ko ng matagal ang isa sa mga "passion" ko.
hanggang nga nitong kelan lamang ay
muli kong binabalikan ang aking unang pag-ibig.
simula pa lang ng palabas, ay sumisikip na ang dibdib ko sa nadaramang pinaghalong saya at sentimyento.
pano ako nabuhay ng matagal na panahon na hindi ginagawa ang tunay na hilig ko?
kahanga-hanga ang mga taong nagbigay-buhay sa mga maikling pelikulang pinanood ko.
dahil sinunod nila ang tibok ng puso nila.
may nakita rin akong mga kaibigan na patuloy na binubuhay ng kanilang sining.
gusto ko silang yakapin. ang saya ng aming pagtatagpo :)
ngayon, muling tumitibok ang puso ko.
dahan-dahan hanggang sa naging malakas at mabilis na kabog ito sa aking dibidb.
puno ito ng pangungulila. ng panghihinayang.
ng pagnanasa. ng pag-asa. ng kaligayahan.
unti-unting binubuhay ang matagal kong isinantabing pag-ibig.
pinangako ko sa sarili ko na hindi ko na muli iiwan ang aking unang pag-ibig. yayakapin ko na sya ng mahigpit at hindi na pakakawalan.
maraming mukha ang pag-ibig.
may payapa at simple.
may masidhi at nakakapraning.
may iniiwan at binabalikan.
ang mahalaga ay patuloy tayong nabubuhay ng dahil sa pag-ibig :)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment