8.02.2011

ang babae sa buhay ko

Binigyan nya ko ng tutor pagkatapos ko magkinder noon kasi autistic ako. Gumraduate ako ng kinder na hindi nagsasalita sa paaralan. Basta ang alam ko may baon akong pera, uupo sa klase, tapos uuwi. Nagka-award pa ako, "most quiet in the class". akalain mo yon?! 

Ang tutor na binigay nya, isang matandang dalaga, amoy lupa na may makapal na puting pulbos at mapulang lipstick. May makapal na grado ng salamin at may dalang  mahabang stick. Takang taka sya kasi pag-grade 1 ko, marunong na ko magbasa, magsulat, at ng multiplication, pati division. Hindi nya alam, kinukulong ako sa kwarto tapos kukurutin at papaluin ng stick pag hindi ko naiintindihan ang lesson.

Nung mga unang taon ko bilang bata, yaya ang lagi kong kasama sa bahay, sa girl scout, sa quiz contests, sa mga performances.

Pumupunta lang sya sa school pag recognition day. Bibilhan nya ko ng damit na susuotin the day before the event. Tapos memakeup-an ako ng makapal, bilang nagtitinda sya ng makeup. Madalas late kami sa event. At hiyang hiya ako lagi na maglalakad sa venue. 

Nuknukan ako ng mahiyain. Minsan, tyempong narining ko ang mahinang kwentuhan nila ng kasama nya na madami kaming utang, may kaso, wala kaming pera.  Ang pagiging mahiyain ay napalitan ng kahihiyan. Pagtitindahin nya ko ng yelo sa palengke tuwing hapon, tapos pagbebentahin ng basahang tinahi nya para may ipamalengke akong pambili ng tatlong lata ng sardinas, ng pechay. Minsan ng itlog para gawing adobo o kaya 3 noodles na hahaluan ng itlog pa rin o di kaya ay 1/4 na kilong galunggong para prituhin. Dyan lang umiikot ang tanghalian at hapunan namin. Mayaman sa protein at sodium. Hehe. 

Sa buong buhay ko, dalawang beses nya kong binilhan ng manika, isang kahawig ni barbie pero mas manipis ang buhok at nadedeform pag pinisil ng madiin at isang pinahabang voodoo doll ang itsura. 

Sa maraming beses akong sinaktan, pinalo at binato ng kung anu-ano, minsan nya, madalas ng kasama nya, lalo lang kong tumapang at hindi nasasaktan. 

Natuto akong dumiskarte at umasa sa sarili ko kasi hindi ko sya naasahan nung naghanap ako ng masasandalan.

Andaming mali sa buhay ko. Napakaraming kakulangan. Lahat sinisisi ko sa kanya. Kasi nag-asawa sya ng maling lalaki. Kasi iniluwal nya kami ng hindi sila handa. Kasi nag-anak pa sya ng madami. Kasi hindi sya naging mapag-aruga. Kasi hindi nya kami pinagtatanggol pag sinasaktan kami. Kasi mahina sya. 

Ngayon matanda na sya. Mas mahina pa kaysa dati. Pero gumigising ng madaling araw para ipagluto ako ng almusal at baon sa trabaho. Nilalabhan ang damit ko pag nakita nyang hindi ko na ito nagawa. Maingat na hinahandwash ang mga damit ko na may maninipis na tela. Pinapamlantsa ako kahit sinabi kong huwag na. Pinagbubuksan ako ng pinto kahit madaling araw na ko umuwi. Tinatanong ako kung anong gusto kong ulam. 

Hindi sya nakapagtapos kasi kinailangan na nyang magtrabaho sa murang edad. Hindi nya ko pinagtapos kasi nabuhay ako sa scholarship. Pero ang totoo, mas madami akong natutunan sa kanya, sa buhay nya.

Madami syang naging mali, pero marunong syang bumawi.



Wala Nang Hahanapin Pa
Apo Hiking Society

Mayroon siyang estilong kanya lamang
Ang kanyang pagkababae ang dinadahilan
Pagsubok sa pag-ibig walang katapusan
'Di naman daw nagdududa, naniniguro lang.

Ewan ko ba ngunit kahit ganyan siya,
Minamahal ko siya, wala nang hahanapin pa.
Kahit ano'ng sabihin ng iba, minamahal ko siya,
Wala nang hahanapin pa.

'Di raw nagseselos ngunit nagbibilang
ng oras 'pag ako'y ginagabi
At biglang maamo 'pag may kailangan
'Pag nakuha na ikaw ay itatabi.

Ewan ko ba ngunit kahit ganyan siya,
Minamahal ko siya, wala nang hahanapin pa.
Kahit ano'ng sabihin ng iba, minamahal ko siya,
Wala nang hahanapin pa.

'Di magpapatalo 'pag mayroong alitan.
'Di aamin ng mali, magbabagong isip lang.

Ewan ko ba ngunit kahit ganyan siya,
Sinasamba ko siya,

Minamahal ko pa,
Walang kaduda-duda,
Wala nang hahanapin pa.

4 comments:

Anonymous said...

it's like eatin a piece of humble pie while readin your blog entry...anyhoo, anong fave mong laruan ng bata ka pa? -w1cked

LT said...

But you're the way you are because of what you've been through, so you know how to make your life right and not cause the same pain on others. I'm proud to know you (and you know I don't say that much) - you should write more of this stuff!

Anonymous said...

made me sigh and smile at the same time.. thanks =)

firewomyn said...

sa totoo lang nahirapan ako sa post na to. mid-july ko pa to nasulat, pero i get too emotional writing it. even reading it now, may something akong nararamdaman sa chest ko. mahal na mahal ko sya, pero malalim ang epekto ng nakaraan kaya naapektuhan pa rin ako. at least now, alam ko napatawad ko na sya at unconditional love ito. =)

@w1cked - wala kasi akong masyadong laruan, mga larong kalye paborito ko. yung laro sa tsinelas :)

@LT - yep. that's what i've been doing. i wouldn't want the same exp on others. but in retrospect, you are right, i became a better person bec of it. iniisip ko bakit hindi ako napariwara, like nagdrugs. ay! kasi mahal pala ang drugs! hehe. and napa-wow! naman ako sa you-don't-say-much na yun. salamat! :) hindi madali sa kin ang mga ganung stuff kasi parang nasasariwa ang lahat. but am trying. catharis din.

@anonymous - i know this post is kinda heavy. but it is what it is and in the end, love and forgiveness prevailed. so thank you for smiling in the end. =)naiintindihan ko na ang nanay ko ngayon. produkto sya ng kanyang henerasyon. tao lang sya, may pagkukulang at kalakasan. tinatanggap ko na =)